PasikBlogan Challenge #5: A Different Tongue
Blog in a language/dialect that you typically don’t blog in. 
If you typically blog in English, now blog in Filipino (or your own dialect). Kung karaniwan kang mag-blog sa Filipino, gumamit ka ng Ingles o Cebuano.

Wikang Buhay: Mga wika sa aking buhay

Tunay mong maiintindihan ang isang kultura kapag natutunan mo na ang kanilang salita.

Anu-ano nga ba ang mga alam kong salita? Marahil ay siya rin ang mga naiintindihan kong mga kultura.

A Different Tongue. Kakaibang Dila.
Nagkaka-intindihan ang isa't isa sa pamamagitan ng wika. Wikang Ingles, Filipino, Ilocano ... O di kaya'y sa isang pan-daigdigang wika. Ano nga ba ang pandaigdigang wika?

Ispokening Ing-glish, Tagalog at Pangasinan

Bilang bata, una kong natutunan mag-salita sa wikang Ingles. Sa aming tahanan sa Baguio, halos Ingles pa rin ang aming salita hanggang ngayon.

Ang mga magulang ko ay nag-mula sa Pangasinan. Kaya ang pangalawang salita sa aming tahanan ay Pangasinan (siya ring tinatawag na “Pangalatok” o “Pangasinense”).

Nung nag-aaral naman ako sa Baguio, may mga kalaro o kaklase ako na ang salita nila ay Tagalog o Ilocano. Natuto naman akong mag-salita ng Tagalog mula sa eskwela at sa mga kaklase ko.

Ilocano-cano-han

Hindi ako masyadong natutong mag-Ilocano. Nakaka-tawa nga, eh. Pag-mag-salita ako ng Ilocano, siguro ang pakarinig ng ibang tao, para akong Amerikano na nag-sasalita ng Tey-gey-lowg.

Isang beses, nagkaruon ng hamunan ng wrestling ang mga kaklase ko sa kabilang eskwelahan. Eh ang mga ka-wrestling namin, ilocano ang salita. Eh ang tagal ng ka-wrestling ko.

Gusto kong sabihin sa kanya “naiinip na ako”. Para maintindihan sana niya, gusto kong sabihin yun sa Ilocano. Ito ang sinabi ko, may kasabay pang tiger-look: “Mabisin akon!”

Ang ibig sabihin pala ng sinabi ko “Gutom na ako! (I am hungry!)”.
Di ko maalala kung natawa ang mga kaklase ko.
Pero siguro, natakot sa akin yung ka-wrestling ko. Biro mo, sasabihan ka ng ka-wrestling mo na gutom na siya. Hahaha!

May mga salita akong ginagamit nung nasa Baguio ako. Tulad ng “Bangking”, “Anya met”. Pero nung nag-aral na ako sa Manila, nalaman ko na ang iba ko palang alam na salita ay hindi pala Tagalog. Ang ibang mga salita na akala ko ay maiintindihan ng mga kaklase kong taga-Manila ay hindi pala Tagalog, ngunit mga salitang Pangasinan o Ilocano.

Cuyonon

Nagturo ako bilang isang Volunteer Teacher sa isang isla sa Cuyo, Palawan nuong 1998-1999. Mga estudyante ng Gaudencio Memorial National High School ang mga tinuruan ko ng Mathematics at Physics.

Habang nag-tuturo ako sa Cuyo, nag-aral din ako. Inaral ko kung paano mag-salita ng Cuyonon – ang salita ng mga taga-Cuyo. Mabilis kong natutunan ang salitang Cuyonon. Magka-tulad kasi sa tigas ng dila ang Pangasinan at Cuyonon. Naging bihasa akong mag-salita ng Cuyonon. Minsan ay napagkakamalan akong purong Cuyonon. Tuwang-tuwa ang aking mga kaibigan, kapwa-guro o mga estudyante tuwing naririnig nila akong nag-aaral o nag-sasalita ng Cuyonon. Nung isang linggo nga ay pinag-mayabang ako ng isa kong estudyante, sinabi niya sa mga kapwa-Cuyonon: “Ang aqueng maestro, bequen taga-Cuyo, pero ansiyano ingan ag-limeg y Cuyonon.” (Ang aking guro, hindi taga-Cuyo pero sobrang galing mag-salita ng Cuyonon).

“Tunay mong matututunan ang isang kultura kapag natutunan mo na ang kanilang salita.”

Lubos kong naintindihan ito nung nag-aral ako nuong ako ay nag-aral mag-salita ng Cuyonon.
Sa pamamagitan ng pag-aral ng salitang Cuyonon, at sa pag-sasalita ng Cuyonon, mas mabilis akong napalapit sa mga Cuyonin (mga taga-Cuyo). At hindi lang yon. Mas-naintindihan ko rin kung paano mag-isip ang mga Cuyonon, kung ano ang mga mahalaga sa kanila (values).

Pang-daigdigang wika

Ngunit sa lahat ng wikang aking natutunan, marahil isa lang ang pinaka-makabuluhan. Itong wika ay naiintindihan ng bata o matanda. Naiintindihan ng Pilipino, Intsik o Aleman. Itong wika ay ginagamit sa lahat ng sulok ng mundo.  Itong wika ay ang wika ng pagmamahal.

Ako ay isang mag-aaral … mag-aaral ng buhay. Isa sa mga paraan ko ng pag-aaral tungkol sa buhay ay ang pag-aaral ng mga wika. Nawa’y mapa-lalim pa ang pagka-intindi at pag-gamit ko sa iba’t ibang wika, lalo na ang wika ng pagmamahal.

Amen.

edWIN “Ka Edong” Soriano
www.edwinsoriano.com

PasikBlogan is a challenge for Bloggers to stretch outside their comfort zone. Learn more at the PasikBlogan facebook page.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.